Para Sa’yong Naghihintay ng Senyales

Deboto ako ng mga senyales.

Sa tuwing iiyak ang pinto, alam kong nariyan ka na. Musika ang tunog ng mga yapak mo papunta sa’kin. Kapag may uwi kang sariwang lumpia, ibig sabihi’y hindi ako nawaglit sa maghapon mo. Walang bantas ang mga mensahe mo kung sabik kang makita ako. Naglalambing ka’t sinasabi mong pagod ka kapag mapupunta na sa away ang usapan.

Kabisado ko ang samyo ng resipi mong adobo, sumosobra sa asim kung may tampo ka sa akin. Alam kong masaya ka, kapag nakalimutan mong kumuha ng larawan nating dalawa. Gusto mong hawakan ang kamay ko sa tuwing ibinubulsa mo ang dala mong panyo. May takot kang dinaramdam, kapag sinadya mong bukas ang ilaw magdamag.

Deboto ako ng mga senyales. Kaya’t no’ng kumakatok ka na bago buksan ang pinto; no’ng marahan na ang mga yabag mo palapit sa akin; no’ng idinahilan mong hindi na nagtitinda ng lumpiang sariwa sa kanto; naging elipsis ang sunod sunod mong tuldok at pagod. . .

Noong hindi na asim kun’di pait ang nalasahan ko sa hapunan nating adobo; nakalimutan mo nang ngumiti kahit sa litrato; laging tangan ang panyo kahit walang pawis ang noo; at gabi-gabing maliwanag sa ating kwarto;

alam kong iiwan mo na ‘ko.

Kaya’t isinalba ko ang sarili ko. Mula sa pagdilim ng tingin mo sa akin, panaka-nakang patak ng galit, malamig na simoy ng dating, hanggang sa hagupit ng huling mga salita. Naniwala ako na darating din ang senyales —

na kahit wala na tayo, kakayanin ko.

###

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s